Thursday, 7 October 2021

Kinabukasan ng Bata ay Siguruhin

Bata, bata,paano ka magawa 
Na isang nilalang na dakila 
Pagdating ng panahong takda
Na ikaw, sa mundo ay makibaka ?

Madali lang, mahal kong tagapag-alaga:
Ako'y punuin ng pagmamahal at pag-aruga,
At hubugin ang ugali at paniniwala,
Habang ako'y isa pang munting punla.

Ang unang hipo sa katawan kong mura,
Ay dampi ng malambing na kalinga;
Ibalot mo ako sa saplot ng pagtitiwala,
At busugin sa tuwa't saya, at hindi sa luha.

Ang unang paligid na aking masilayan,
Ay daigdig ng ngiti at kaligayahan.
Ang unang tunog na aking maulinigan,
Ay tunog ng mga tawa at awitan.

Ang unang salitang sa akin ay iparinig,
Ay mga salita ng matamis na pag-ibig.
Upang ang unang katagang mamutawi sa aking bibig,
Ay pawang kanais-nais at kaibig-ibig.

Kung tunay na may malasakit sa aking paglaki,
Unang anim na taon sa buhay ko'y subaybayang maigi;
Ipamulat sa akin ang paghangad at pagkandili,
Sa mga pagpapahalagang tuwid at mabuti.

Sa aking mga kamay, unang pahawakan,
Mga laruang sa buhay ay makabuluhan;
Ilimbag sa mura kong isipan,
Ang halaga ng paggawa at kasipagan.

Unang anim na taon ng aking buhay, pagyamanin,
Lambong ng kamangmangan at karahasa'y hawiin;
Liwanag ng wastong karunungan ay pairalin,
Maluwalhating kinabukasan ay siguruhin.


( October 7 -13 is International Children's Week )

 

No comments:

Post a Comment

Why the Chinese Patronize the Sto. Niño de Tigbauan

Sometime in the year about 1860, a braided Chinese named Uy Hio Co from Amoy, Mainland China, came to Ilong-Ilong and reached the town of Sa...