Nang kasagsagan ng man-made pandemic disease, ang banal na aso na si Pah-gong-gong na humihimod sa puwit ng kanyang poong makapal na si Mah-tsing-kit, ay kumumpas sa kanyang mga santong kabayo, na agad namang pumadyak, sumipa at humalinghing .Kanilang pinaikot at pinasayaw sa saliw ng lumang tugtugin na pinatunog sa sirang plaka, ang mga pulgas ni Pah-gong-gong habang sinusupalpal sa kanilang bunganga, mata at tainga ang mga karumaldumal at nakasusulasok na kasinungalingan, fake news at mga pambobola. Sa kakapadyak at kakasipa ng mga santong kabayo, kanilang natapakan ,tinadyakan, nayurakan at nadurog ang ibang mga nilalang sa paligid. Ngunit wala silang pakialam dahil sunod lang sila nang sunod sa kumpas ng kanilang sinasambang banal na aso. Hilung-hilo, lango at lupasay na sa kaiikot at kasasayaw ang mga pulgas, ngunit hindi sila makatigil dahil marubdob ang kanilang pananalampataya nadadalhin sila ng kanilang panginoong banal na aso sa kaluwalhatian at makaulayaw nila ang kanilang mahal na poong makapal .
Kung kailan sila mahimasmasan, marahil, sa muling pagpakita ng Haley's comet sa sanlibutan.
No comments:
Post a Comment