Dapat nating itaguyod ang pagtangkilik sa wikang Filipino. Ang Pilipinas ay naging kolonyal sa matagal na panahon...Sa loob ng panahong iyon, unti-unting itinakwil ng mga Pilipino ang katutubong kultura,at inaruga ang kabihasnan ng mga dayuhan, pati na ang kanilang wika.
Ngayong malaya na ang ating bansa, natural lamang sa atin ang magmithing matagpuan ang sariling pambansang pagkakakilanlan, kaya tayo nagbabalik sa katutubong awitin, sayaw at laro. Nararapat lamang na pahalagahan ang ating pambansang wika dahil ito ay isang mahigpit na pangangailangan sa pagbuklod ng mga Pilipino bilang isang lahi _ isang bansa.
Mahigit 80 taon na ang nakaraan nang unang ipahayag ng Pangulong Quezon na ang Filipino na batay sa wikang Tagalog ay siyang ating wikang pambansa. Ngunit parang walang bisa ang Kautusang Tagapagpaganap Blg.134 na kanyang nilagdaan noong ika-30 ng Dis.,1937, sapagkat tinanggap nga ito ng mga mamamayan na wikang pambansa, ngunit hindi tinangkilik bilang isang wikang panlahat. Kaya, noong unang araw ng Abril,1940,isa pang Kautusang Tagapagpaganap na may bilang 263 ang nilagdaan ng Pangulong Quezon na ipinag-uutos ang pagtuturo ng wikang Filipino sa lahat ng paaralang publiko at pribado,simula noong Hunyo,1940.Noong ika-7 ng Hunyo ng gayunding taon, ang Pangulong Quezon ay naglagda ng Commonwealth Act Blg.570,na nagpapahayag na ang Filipino ay gawing isa sa mga wikang opisyal magsimula sa ika -4 ng Hunyo, 1946. Ang mga naturang Kautusan ay hindi nabago sa kabila ng ating pagkakaroon ng Bagong Saligang Batas. Kung gayon, ang wikang Filipino ay karapatdapat na tangkilikin, payamanin, at palaganapin hanggang sa maging isang wikang panlahat sapagkat ito ay hindi lamang isang karaniwang wika ;ito ay wikang pambansa, opisyal, at panturo sa lahat ng mga paaralan.
Isang karangalan ang marunong magsalita ng Filipino.Ito ay isang wikang maipagmamalaki. Ayon kay Padre Chirino,na isang kinikilalang Jesuit historian, natagpuan niya sa ating wika ang apat na katangian ng apat na mga dakilang wika sa daigdig.: ang Hebreyo, Griyego,Latin at Kastila. Taglay ng wikang Filipino ang pagkaelegante ng wikang Hebreyo, ang katiyakan ng Griyego, ang hiwaga ng Latin at ang kapinuhan ng Kastila.
Ang wikang Filipino ay para sa mga Pilipino.Ito ay sagisag ng ating lahi, tanda ng pagkamakabayan, isang gintong pamana sa atin ng ating mga kalahi. Ang paggamit nito ay may malaking maitutulong sa pagsasakatuparan ng layunin ng sambayanan na paunlarin ang ating bansa sa pamamagitan ng komunikayong pangmasa. Madaling magkakaintindihan ang mga Pilipino sa lahat ng sektor ng lipunan, kahit saan mang bahagi ng bansa at ano pa man ang kanilang lokal na wika.
Kaya huwag nating biguin ang ating mga bayani na nanguna sa itinataguyod natin ngayon,at nangarap na makita ang lahing Pilipino na iginagalang ng kapwa bansa, sapagkat may sariling kabihasnan ,pagkakakilanlan at sariling wika. Mabuhay ang wikang Filipino!
No comments:
Post a Comment