Doon sa mga bukirin,
Ay sagana sa pagkain;
Tubig ay malasalamin,
At sariwa pa ang hangin.
Sa mga ilog at sapa,
May maraming mga isda;
Sa bundok ay makikita,
Mga hayop, gumagala.
Nandoon sa kagubatan,
Mga ibon masilayan
At ang mga kapatagan
Puno ng mga halaman.
Ang buong kapaligiran,
Parang lunting karagatan;
At ang simoy ng amihan
Sa tuwina'y maramdaman.
Kay ganda nitong daigdig,
Tingnan kahit saang panig;
Karikta'y walang kahawig,
Tunay na kaibig-ibig.
Mga ibon, nag-aawitan,
Sa sanga, naglalambingan;
Mga hayop sa kaparangan,
Malayang naghahabulan.
Mga punong nagsisiksikan,
Ay papang naghahalikan;
Alaga ng araw at ulan,
Ng Dios binabantayan.
Ngunit ang mundo'y nagbago,
Lahat ng ito'y naglaho;
Kabundukan ay nakalbo,
Nilimas ng mga tao.
Hubad na ang kagubatan,
Hayop ay walang silungan;
Mga ibon ay lumisan,
Tuyo ang mga batisan.
Bago mahuli ang lahat,
Ay dapat tayong mamulat;
Sa ibayong pag-iingat,
Sa biyayang yamang-gubat.
Mga bundok, ating tamnan,
Punuin ng kagubatan,
Upang muling babalikan,
Ng sigla ang kalikasan.
No comments:
Post a Comment