Friday, 29 December 2023

Huwag Sanang Limutin

Gabi: ikadalawampu't siyam ng Disyembre,1896;
Doon, sa bilangguan ng Fort Santiagong madilim
Isang ulilang kaluluwa ang naglamay magdamag,
Sa paghihintay na masilayan ang huling liwanag.

O, anong dami pa sana niyang mga balak gawin,
Kay dami pa sana niyang mga nais susulatin;
Ngunit bakit napakaikli naman ng kanyang buhay?
Katulad ay gabing nagwawakas sa bukang-liwayway.

At dumating ang ginintuang prinsepe ng umaga,
Piping saksi sa huwad na hatol ng mga banyaga;
Habang nananangis ang kabiyak, kapatid at ina,
Si Pepe'y nangumpisal at tumanggap ng banal na hostia.

Sa may dalamhating pamilya, nag-iwan alaala,
Maalab na halik at mahigpit na yakap sa ina,
Kay Trinidad, tulang imortal sa loob ng lampara, 
At kay Josephine, ang pagharap sa kanya sa dambana.

Matapos sa mga mahal makahingi ng bendisyon,
Bumukas, pinto ng piitang parang higanteng leon,
At iniluwa,isang aninong may taning ang buhay,
Magkabila ang guardia , nakagapos ang mga kamay.

Yaong martsa ng kagitingan, dulo'y isang liwasan,
Kung tawagin nila noong panahon, ay Bagumbayan.
Ikapito ng umagang ganap, si Pepe, handa na,
Sa pagsuko ng diwa sa Makapangyarihang Ama.

Sa gitna ng nakapangilabot na katahimikan ,
Pumunit , nakasisindak na hudyat ng kamatayan;
Anim na hayok sa dugong riple ang sabayang umungol
Kanilang mga punglo'y sa iisang dibdib sumapol.

Mundo'y  tumigil sa pag-inog sa laking pagkagimbal,
Dahil isang katawang dakila ang dagling nabuwal;
Bantayog ng kalayaang pinagpilitang iguho,
Bumagsak na harap sa langit ang mukhang walang lilo.

Alingawngaw ng mga putukan ay biglang nawala,
Para bang sa matinding takot ay tumakas na sadya,
Krimeng walang kasinsama ay iniwasang makita 
Naganap na pangalawa sa  trahedya ng Golgotha.

Parang kulog na dumagundong, tambol ng mga kawal,
Upang lunurin ang hiyaw ng krimeng karumaldumal;
Bandila ng mga mang-aapi'y umimbay , sumali,
Sa pagbubunyi ng mga buhong na Kastila't  prayle.

At sa mapanglaw at madamong dibdib ng Bagumbayan, 
Isang martir na bayani ang humimlay nang tuluyan ;
Durog na puso ng Inang Bansa'y nayanig , sumikdo,
Ngunit mga hinagpis ay impit, pagluksa ay tago.

Sakbibi ng masidhing lumbay, Paskong namamaalam,
At ang mukha ng langit, sa mapait na luha'y hilam;
Habang ng lupang labis niyang minahal tinabunan ,
Ang duguan at wasak na katawang alay sa bayan.

Yaong krusipihong pinahalikan sa mga Indio,
Kaipala'y matalim na sableng nakabalatkayo ,
At ang kapalit ng hinasik nilang Kristianismo,
Kamatayan ng isang tagaligtas ng kapwa-tao.

Dito lang pala nagwawakas, mga kabayanihan,
Sa ulilang puntod na walang tanda kahit anuman,
Sayang ang luha at dugo na dumaloy sa Bagumbayan,
Kung yaong kadakilaa'y tuluyang malilimutan.






No comments:

Post a Comment

Why the Chinese Patronize the Sto. NiƱo de Tigbauan

Sometime in the year about 1860, a braided Chinese named Uy Hio Co from Amoy, Mainland China, came to Ilong-Ilong and reached the town of Sa...